Tuesday, March 29, 2016

MATABANG NA ASIN, AT MALAMLAM NA ILAW



MATABANG NA ASIN, AT MALAMLAM NA ILAW
Isang pagninilay ni Kuya Paul sa BMF 2016

Nang makilala ka at matanggap o anong galak
Tunay ngang may tagapagligtas na buhay ‘ nilagak
Para sa abang tulad ko na nakalimo at agnostiko
May Diyos na nagpakaalipin at siya’y nagpapako

Itong ganap na katotohanan nang aking matanto
Narinig ko pa ang awiting buksan ang pinid na pinto
Sa kanila’y nakita ko sa hapis ay may tunay na tuwa
O sa ubasan na iyan ay nais kong maging manggagawa

Mula Exodus hanggang BM formation akoy pinag-alab
Pagnanais na maipagtanggol ang simbaha’y sumiklab
Sa bawat talata ng Banal na Salita ay tunay na sandata
Labis ang alat at yaring ilaw pakiwari ko’y di  mapapata

Ngunit sumapit panahon ng tagtigang na hindi handa
Doon sa ilang ako’y nabalahaw at masakit na nadapa
Kasalana’y pumasok at muli akong nagupo’t natanikala
Ang asin ay tumabang, ilaw ay naglalamlam at nawala

O nahan ka Asin at Ilaw bakit sa pagbata’y sumuko ka
Nagapi ka ba ng kalaban at nawala ang labis na pagsinta?
Sa Salita at utos Mo ay lumayo at nagbulag- bulagan
Nalimot’ nang ang kaaway’ ay naging aking tungtungan

Hanggang sa ilang doon pala’y nangungusap ka Ama
Hindi ka nawala kahit ako ay tumalikod sa pagtalima
Sa kadilima’y kinausap mo ng buong giliw at pag-ibig
Pinto ng ubasan muling nabuksan doo’y dumaloy ang tubig

Umapaw ang tuwa sapagkat hindi pala tuluyang nawala
Kinuha ang iyong Salita at muling nagbahagi doon sa kalsada
Bigla kong  naalala ang nais kong mailagay sa aking lapida
Ikaw ay kalasag ng Inang Simbahan isang magiting na Apolohista

AKO AY ASIN AT ILAW NG SANLIBUTAN